Kasabay ng mga bali-balitang may posibilidad na layasan ng institusyon at original hosts na sina "Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon" o TVJ, ang longest-running noontime show na "Eat Bulaga" dahil sasama na raw sa isa sa balak na tanggaling executive nito, maugong din ang tsikang hinihilot daw si Wowowin host Willie Revillame na siyang pumalit sa trono ng tatlo sa Eat Bulaga.
Ayon sa ulat ng "Bilyonaryo," ang sinasabing nagnanais ng rigodon sa loob ng EB management ay si dating congressman Romy Jalosjos na co-founder ni Tony Tuviera sa Television and Production Exponents (TAPE).
Kapag nangyari ito, sasama umano ang TVJ at ilang hosts kay Tony at bubuo sila ng isang noontime show na tatawaging "Dabarkads." Isasama umano nila sina Jose Manalo, Wally Bayola, Allan K, at Maine Mendoza. Si Maine ay balak naman daw tanggalin ng anak ni Jalosjos.
Kapag nabakante na raw ang noontime show ng mga haligi nito, bet daw ipalit sa kanila si Willie, dahil alam naman ng lahat kung gaano kalakas ang karisma ng TV host pagdating sa noontime show. Minsan na siyang naging host ng noontime shows na "Lunch Date" sa GMA noon, at kalaunan naman ay "Magandang Tanghali Bayan" at "Wowowee." Iba rin ang kalibre ni Willie sa paghahanap ng sponsors.
Kaya lang, posible ba iyon kung nakapirma ng kontrata si Willie sa nilipatan nitong ALLTV kung saan umeere ang kaniyang Wowowin?
Sa kabila ng lahat ng ingay na ito, na lumabas na rin sa blind item at naisiwalat na rin ni Cristy Fermin sa kaniyang "Cristy Ferminute" wala pang pahayag si Willie, o maging ang pamunuan ng Eat Bulaga o ang GMA Network tungkol dito.