Wala pang tahasang tugon o pahayag ang original host ng longest-running noontime show na "Eat Bulaga" na sina dating senate president Tito Sotto III, Vic Sotto, at Joey De Leon hinggil sa isyu ng "rigodon" sa kanilang programa, subalit nagpakawala ng social media post ang huli tungkol sa sinasabing "rebranding" na pagdaraanan nila, kapag natuloy ang pag-alis ng isang executive ng Television and Production Exponents (TAPE) na pinangalanan ng isang ulat na si "Tony Tuviera."
Ang Eat Bulaga ay nasa ilalim ng produksyon ng TAPE na may blocktime agreement sa GMA Network sa matagal nang panahon.
Ibinahagi ni Joey sa kaniyang IG ang screenshot ng balita mula sa Manila Bulletin tungkol sa kanilang rebranding.
"Actually, natatawa at natutuwa ako sa mga pangyayari kasi pinag-uusapan pa rin kami hanggang ngayon! Thanks!" tanging caption ni Joet, na naka-tag pa sa mga misis nina Titosen at Bosing Vic na sina Helen Gamboa at Pauleen Luna.
Kung susuriin, wala namang pag-amin at pagtanggi sa isyu si Joey, kundi sinabi lamang niyang natatawa at natutuwa siyang napag-uusapan sila sa online world.
Nagkomento naman dito ang dating sexy actress na sina Rosanna Roces na naging bahagi rin ng programa noon.
"Naging part ako nito… from being a fan to being a contestant sa 'She's Got the Look… hanggang sa naging part din ako ng pamilya nila. Hangga't may bata… may EAT BULAGA!!" aniya.
Marami rin sa mga netizen ang umaasam na wala nang rebranding na maganap.
"Wag naman sana, hindi po sana totoo. Pero kung matuloy ito, sana buong Dabarkads pa din po, walang iwanan, si Jalosjos na lang po ang iwan n'yo."
"Kasing edad ko ang EB. Hindi kumpleto ang pananghalian pag hindi nanonood ng EB. 3 generations, solid EB."
"Kahit ano pang 'rebranding' ang gawin ng Eat Bulaga, hindi yan matitinag. Sabi nga, hanggang may bata, may Eat Bulaga. Forever Dabarkads here."
"WALA PANG Eat Bulaga idol ko na ang show dahil idol ko ang TVJ na mas nauna. Because Eat Bulaga is TVJ at yan ay forever NUMBER 1."
Samantala, napaulat din na kapag natuloy daw ang exodus ng TVJ at iba pang hosts na susunod sa kanila, si Willie Revillame raw ang hinihilot na baka pumalit sa kanila, subalit wala pa itong kumpirmasyon mula kay Willie o sa pamunuan ng Eat Bulaga/TAPE/GMA Network.