Plano ng Department of Transportation (DOTr) na humingi ng tulong sa Japanese government upang mapigilan ang pagkalat pa ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Matatandaang noong Martes ay lumubog ang MT Princess Empress na may lamang 800,000 litro ng industrial fuel oil habang naglalayag sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro, na nagresulta sa naturang oil spill.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), hanggang nitong Sabado, ay umabot na ang oil spill sa Caluya sa Antique.

Sa isang media forum naman nitong Sabado, sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na sa Lunes ay sisimulan na nila ang pakikipag-ugnayan sa Japanese government, sa pamamagitan ng Japanese embassy at ng Japan International Cooperation Agency (JICA), hinggil dito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ani Bautista, malaki ang kakayahan ng Japanese government sa mga ganitong kaganapan.

“Siguro hihingi kami ng tulong sa Japanese government dahil… malaki ang kakayahan ng Japanese government na matulungan tayo para hindi masyado kumalat yung oil spill sa ating mga islands sa Mindoro,” anang DOTr chief.

“Magsisimula pa lang, wala pa – sa Monday,” aniya pa.

Umaasa rin naman si Bautista na hindi na makakaabot pa ang oil spill sa Verde Island sa Batangas, na isang protected area.

Una nang sinabi ng mga marine experts na mahigit sa 24,000 hektaryang coral reef area sa lalawigan pa lamang ng Mindoro ang nanganganib na maapektuhan ng naturang oil spill.