CAVITE — Arestado ang isang suspendidong pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Malagasang 1-F sa Imus noong Miyerkules, Marso 1.

Sa isang press release, kinilala ng Cavite Police Provincial Office (PPO) ang suspek na si Albert Lorenzo Parnala Reyes, 34-anyos.

Si Reyes ay miyembro ng Philippine National Police (PNP) ngunit nasuspinde mula Pebrero 16 hanggang Abril 16 dahil sa grave misconduct at grave iregularity sa pagganap ng tungkulin.

Nang makatanggap ng report na si Reyes ay sangkot sa illegal drug trade sa Imus at iba pang bayan ng Cavite, nagsagawa ng sting operation ang pulisya na humantong sa pagkakaaresto sa suspek.

Probinsya

Away sa manok na panabong ng isang pamilya, nauwi sa saksakan; mag-ina, patay!

Nakumpiska sa buy-bust ang isang piraso ng knot-tied transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P40,000.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang kalibre 45 na pistola ng suspek, isang magazine, mga live ammunition, at isang motorsiklo na walang plate number, isang official receipt, at isang certificate of registration.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cavite PPO Director Col. Christopher F. Olazo na hindi kukunsintihin ng pulisya ang sinumang miyembro ng organisasyon na lalabag sa batas.

“Ang mga mapapatunayang positibo sa ilegal na paggamit at pagkakasangkot sa illegal drug trade ay papatawan ng sanction at sasailalim sa dismissal sa serbisyo ng pulisya. Hindi natin hahayaan na samantalahin ng mga pulis ang kanilang awtoridad para maimpluwensyahan ang operasyon laban sa ilegal na droga,” ani Olazo.

Patrick Garcia