Kinumpirma ni Biñan City Acting Police Chief P/Lt. Col. Virgilio Jopia nitong Biyernes, Marso 3, na natagpuang patay sa Taguig City ang umano’y isa pang person of interest sa hazing death case ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Sa pahayag ni Jopia sa ulat ng News5, pumanaw raw noong pang Pebrero 28 ang nasabing suspek na binansagang si alyas “Sakmal,” na kung saan ito rin ang araw na natagpuang patay si Salilig sa Barangay Malagasang, Imus, Cavite, matapos maiulat na nawawala noong Pebrero 20.
BASAHIN: Nawawalang college student, natagpuang patay dahil sa hinihinalang hazing
Ayon kay Jopia, si Sakmal daw ay isang alumni ng Adamson University at siyang nagmamay-ari sa narekober na isa pang sasakyan na ginamit din umano sa nangyaring initiation rites.
“Siya mismo ang nag-drive ng sasakyan na ito. Unfortunately, hindi na natin siya naabutan na buhay dahil nong nakaraang February 28, ito pala ay nag-suicide,” ani Jopia.
Patuloy pa rin umanong iniimbestigahan ng mga pulis ang nasabing kaso.