Pinakukulong ng Sandiganbayan si dating Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairperson Efraim Genuino at dalawa pang dating opisyal ng ahensya kaugnay sa inilabas ₱37 milyong pondo para sa mga swimmer na sumali a 2012 Olympics.

Sa desisyon ng 3rd Division ng anti-graft court, inatasang makulong ng hanggang 10 taon si Genuino matapos mapatunayang nagkasala sa paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Bukod kay Genuino, pinatawan din ng kahalintulad na parusa sina dating PAGCOR President and Chief Operations Officer Rafael Francisco at Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez.

Pinagbawalan na rin silang magtrabaho sa pamahalaan, ayon na rin sa desisyon ng hukuman.

Nag-ugat ang kaso matapos maglaan si Genuino ng ₱37 milyong pondo para sa development at training ng mga swimmer sa pangangasiwa ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) na sasabak sa Olympics sa London noong 2012.

Inilipat ni Genuino ang pondo sa PASA na isang ahensya ng gobyerno na pinamamahalaan ng PSC.

Ginamit ng PASA ang pondo upang mabayaran ang aquatic training facility sa Trace Aquatic Center na pag-aari umano ng pamilya ni Genuino.

Bukod dito, kinuwestiyon ng Office of the Ombudsman si Genuino hinggil sa paglilipat nito ng pondo sa PASA na dapat sana ay idiniretso sa PSC.