Patuloy na makaaapekto sa malaking bahagi ng bansa ang northeast monsoon o amihan at shear line ngayong Biyernes, Marso 3, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, magiging maulap na may kasamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Bicol Region, Apayao, Aurora, Quezon, Marinduque, Romblon, at Oriental Mindoro dulot ng amihan.

Magkakaroon naman ng maulap na may panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms sa Caraga at Davao Oriental dahil sa shear line.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga naturang lugar sa maaaring maging pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa dahil sa mararanasang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Samantala, magiging medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil sa amihan. Ngunit walang inaasahang malaking epekto ang pag-ulan dito.

Magkakaroon naman ng medyo maulap hanggang sa maulap na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms sa Palawan, Visayas at mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms. Posible rin umanong maranasan ang pagbaha o kaya naman ay pagguho ng lupa sa mga lugar dito tuwing magkakaroon ng malakas na thunderstorms.