Iginiit ng social media personality na si Toni Fowler na hindi siya makikialam sa isyu ng "pagtawa" ni Zeinab Harake kay Rosmar Tan Pamulaklakin, matapos lumabas ang isang meme na naghahambing sa "panggagaya" umano nito kay Glenda Victorio, sa outfit at paandar nito sa kani-kanilang mga idinaos na anniversary concert noong Pebrero.
Ayon sa TikTok video, wala namang maidudulot na maganda kung magsasalita pa siya tungkol sa isyu dahil wala naman umano siyang kinalaman dito. Ipinayo na lamang ni Fowler kay Tan na palagpasin at patawarin na lamang nito si Harake.
Iginiit pa ni Mommy Oni na hinding-hindi magaganap ang aniya'y "pagsasabong" sa kanila ng mga tao kay Zeinab.
Kaya lamang daw siya nagsasalita ay dahil maraming nagta-tag sa kaniyang netizen hinggil sa naging post ni Rosmar, at nais lamang niyang linawing wala siyang sey sa isyu. Nagmumukha lamang siyang nakikisali dahil nga sa tagging sa kaniya.
“Kung ine-expect n'yo na makikipag-away ako sa kung kani-kaninong tumatawa sa kaniya, hindi po mangyayari 'yon," paglilinaw ni Toni, na isa sa mga nag-perform sa katatapos na pa-concert ni Rosmar.