Nakidalamhati si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa pamilya ng college student na inilibing matapos mamatay umano sa initiation rites ng isang fraternity.
Ang 24-anyos third year Chemical Engineering student na si John Matthew Salilig ay mahigit isang linggo nang nawawala matapos matagpuang wala nang buhay sa Barangay Malagasang, Imus, Cavite noong Pebrero 28.
BASAHIN: Nawawalang college student, natagpuang patay dahil sa hinihinalang hazing
Nauna nang sinabi ng pulisya na ang kaniyang katawan ay nagpakita ng mga palatandaan ng hazing, bagaman hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy.
Lumabas sa imbestigasyon na dumaan ang biktima sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi chapter sa unibersidad noong hapon ng Pebrero 19.
Sa halip na dalhin sa ospital si Salilig, nagpasya ang mga suspek na ilibing siya sa Cavite.
Kinondena naman ng pangulo ang mga aktibidad ng hazing sa mga fraternity at iba pang grupo, at sinabi na hindi sa pamamagitan ng karahasan masusukat ang lakas ng kapatiran.
“John was a child, a brother, a friend, a classmate, and a son of this nation, with a bright future ahead of him,” pahayag ni Marcos Jr.
“It is not through violence that we can measure the strength of our brotherhood."
Binigyang-diin ng pangulo na walang puwang ang karahasan sa mga organisasyon ng mag-aaral na itinuturing ng mga estudyante bilang pamilya, at mga paaralan na itinuturing nilang pangalawang tahanan.
Nakikiramay din si Marcos Jr. sa pamilya ni Salilig at tiniyak sa kanila na mabibigyan ng hustisya.