Ilang mambabatas ang nagmungkahi na magbigay ng libreng taunang medical check-up para sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.

Ito ay upang matiyak daw na ang bawat Pilipino ay makakakuha ng access sa preventive care at kayang tugunan ang mga potensyal na malubhang kondisyon sa kalusugan, na posibleng nasa maagang yugto pa lamang.

Ang House Bill (HB) No. 5074, na may layuning awtomatikong bigyan ng karapatan ang bawat Pilipino na magkaroon ng libreng blood sugar at cholesterol test bawat taon.

Ito ay inihain nina Davao City 1st District Representative Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap.

National

Amihan, ITCZ, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA

Ang panukalang batas, sa pamamagitan ng Philhealth, ay magsusulong ng kalusugan—tukuyin ang mga panganib, at matiyak ang maagang pagsusuri, sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang mga Pilipino ay mabibigyan ng de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan na nararapat sa kanila.

Ani Duterte, ang pamumuhunan sa libreng medical check-up para sa bawat Pilipino ay makakatulong sa pagliligtas ng mga buhay at matiyak na walang maiiwan pagdating sa pangangalagang pangkalusugan.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga Pilipino ay maaaring mag-avail ng libreng medical check-up sa anumang ospital o institusyong medikal na pinamamahalaan ng gobyerno.

Bukod sa libreng cholesterol at blood sugar test, iminungkahi rin ng mga mambabatas ang pagsama ng pinalawak na laboratoryo at diagnostic test sa libreng taunang medical checkup na benepisyo ngunit “subject to the availability of PhilHealth funds.”