"Kabataang estudyante at manggagawa ang pangunahing nakikinabang sa serbisyo ng mga tsuper. Di natin sila iiwanan.”

Ito ang pahayag ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa kaniyang paghikayat sa mga kabataan at estudyante na suportahan ang mga jeepney driver sa inihahanda nilang transport strike mula Marso 6 hanggang Marso 12 ngayong taon.

Ang nasabing strike ay isasagawa bilang pagtutol ng mga tsuper sa nakaambang pag-phaseout sa mga tradisyunal na jeep para bigyang-daan ang PUV modernization program sa bansa.

Ayon kay Manuel, hindi masasagot ng “pwersahang pagpapabili ng higit 2.4 milyong halaga ng E-Jeep” na ibinebenta umano ng mga dayuhang kumpanya ang modernisasyon tungo sa “ligtas, abot-kaya at maayos na sistema ng pampublikong transportasyon.”

National

Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong Nobyembre

“Huwad na modernisasyon ang balak na Jeepney Phaseout ng Duterte admin na ngayon ay pinagpapatuloy ni Marcos Jr.," ani Manuel.

Binigyang-diin din niya na karapatan ng mga tsuper na ipaglaban ang kanilang kabuhayan sa gitna ng pandemya at matinding inflation na nararanasan ngayon ng bansa.

"Panawagan namin sa kabataan na mangausap ng kapwa driver at commuter para malaman ang tunay na kalagayan at maunawaan ang Jeepney Strike na isasagawa sa darating na March 6," ani Manuel.

Nakatakdang magpasa ang Kabataan Partylist ng House Resolution na naglalayong usisain ang Jeepney Phaseout program ng pamahalaan.