Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng tatlo pang karagdagang kaso ng Omicron subvariant XBB.1.5 sa bansa, sanhi upang umabot na sa anim ang kabuuang kaso nito sa Pilipinas.

Batay sa pinakahuling Covid-19 biosurveillance report ng DOH nitong Huwebes, nabatid na ang mga bagong XBB.1.5 infections ay pawang mga lokal na kaso.

Bukod dito, nakapagtala rin umano ang DOH ng 118 pang bagong kaso ng Omicron subvariants, kabilang ang 60 kaso ng BA.2.3.20, 30 kaso ng XBB, walong kaso ng XBC at 20 kaso na na-tagged bilang Omicron sublineages.

Sa karagdagang kaso ng BA.2.3.20, nabatid na 59 ang local cases mula sa Regions 2, 3, 4B, 11, 12, at National Capital Region (NCR) habang isa ang klasipikado bilang returning overseas Filipino (ROF).

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa 33 namang XBB cases, isa ang ROF habang 32 ang local cases na mula sa Regions 3, 4B, 11, 12, at Caraga, hindi kasama dito ang tatlong kaso ng XBB.1.5.

Ang lahat naman ng bagong kaso ng XBC ay pawang local cases na mula sa Regions 4B, 11, at 12.

Samantala, nilinaw naman ng DOH na hanggang sa kasalukuyan, ang BA.5 pa rin ang nananatiling dominant strain ng COVID-19 sa bansa, sa bilang na 12,721 kaso.

Anang DOH, ang datos ay base na rin sa resulta ng latest sequencing run na isinagawa ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at ng University of the Philippines - Philippine Genome Center Mindanao mula Pebrero 20 hanggang 24.