Inamin ng dating Kapamilya at ngayon ay Kapuso comedian na si Jayson Gainza na kahit komedyante siya, dumarating din talaga sa puntong pinangingibabawan din siya ng matinding lungkot, anxiety, at depresyon na kinailangan pa niyang magpatingin sa isang espesyalista.
Sa isang episode ng podcast na "Updated with Nelson Canlas," ibinahagi ni Jayson ang isang malungkot na pangyayari na sumubok kaniya.
Habang nasa taping siya, nabalitaan niyang sumakabilang-buhay na ang kaniyang lola. Kahit na ganito, naging propesyunal pa rin si Jayson at ayaw naman niyang ma-pack up o makaabala sa taping dahil lamang sa kaniya, kaya kahit na naghihinagpis ang kaniyang damdamin ay nagpatuloy pa rin siya.
“Humagulgol lang ako nang humagulgol, siguro mga 15, 20, o 30 minutes yata ‘yon," pag-amin ni Jayson.
“‘O, Jayson, magte-take na,’ kasi kailangan ako ang comic relief doon. Gawa pa rin kasi trabaho talaga, eh," dagdag pa niya.
Nang matapos daw ang kaniyang eksena, ibinuhos ni Jayson ang kaniyang pag-iyak at pagluluksa sa kotse.
Inamin din ni Jayson na hindi sa lahat ng oras ay nasa mood magpatawa o tumawa ang mga komedyanteng kagaya niya. Katulad ng iba pang mga tao, may mga panahon at sandaling down sila.
“Mahirap din kasi, eh. Kaya minsan nagkakaroon kami ng… nagkaroon ako ng depression, anxiety,” pag-amin ni Jayson.
Dumating na raw sa puntong kumonsulta na nga si Jayson sa isang psychiatrist.
“Sabi ko sa aking psychiatrist, ‘Bakit po ako nagkagano’n?’ Sabi niya, ‘Kasi hindi na alam ng katawan mo kung ano ‘yong emosyon mo talaga. Minsan nagteteleserye ka, minsan nagko-comedy ka. Ia-act mo ang comedy, mamaya kapag nagteleserye ka bigla mo namang pabababain ang emosyon mo, kaya nagsu-swing.”
“Kaya ang ginagawa ko talaga pagkatapos ng project, minsan kasi naghe-heavy drama rin ako, minsan pagkatapos no’n, after ng shoot, aalis kami ng family ko mga three days, bakasyon talaga. Talagang eenjoyin ko ang sarili ko, pinapagpag mo talaga ang lahat ng vibes na nakuha mo,” dagdag pa ng komedyante.