Mahigit 38 indibidwal na ang naiulat na nasawi matapos magsalpukan ang passenger train at cargo train sa Greece nitong Miyerkules ng gabi, Marso 1.

Sa ulat ng Agence France Presse, galing Athens ang passenger train na may sakay na mahigit 350 katao–kung saan karamihan dito ay mga estudyante–habang sa Thessaloniki naman galing ang cargo train.

Tinatayang mahigit sampu umano sa mga nasawi ay empleyado ng tren.

Nasa 72 indibidwal din ang nasugatan dahil sa salpukan, ayon sa Greek Fire Service.

Internasyonal

Mahigit 40 unggoy, nakatakas sa isang research compound sa South Carolina

Sa pahayag naman ng mga nakaligtas na pasahero, pinilit daw nilang basagin ang bintana ng tren para makalabas at mailigtas ang kanilang buhay.

Kasalakuyan pang naghahanap ang mga awtoridad ng mga napinsala sa nasabing salpukan, kaya’t inaasahan umanong tataas pa ang bilang ng mga nasawi.

Kinumpirma naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ma. Teresita Daza nitong Huwebes, Marso 2, na wala pa silang naitatalang Pinoy na nasawi sa nasabing aksidente. Gayunpaman, patuloy raw ang imbestigasyon ng Philippine Embassy in Athens para rito.

Samantala, sinabi ni Greek Prime Minister Kyriakos Mitsotakis ang nasabing salpukan ay sanhi umano ng “tragic human error.”

Inaresto ng mga awtoridad ang Larissa station master ilang oras matapos ang aksidente at kinasuhan ng negligent homicide.

Idineklara ang tatlong araw na pagluluksa sa nasabing insidente.