Aarangkada nang muli sa lungsod ng Maynila ang Miss Manila beauty contest.

Ito’y matapos lagdaan nitong Miyerkules ang memorandum of agreement para sa Miss Manila 2023 sa pagitan ng City of Manila at ng Kreativden.

Kabilang sa mga lumagda sa kasunduan sina Manila Mayor Honey Lacuna,Vice Mayor Yul Servo at Manila tourism head Charlie Dungo, gayundin ang mga kumakatawan sa Kreativden na CEO si Zenaida Katerine Valenzuela at Dorothy Laxamana.

Kaugnay nito, sinabi ni Lacuna na ang mananalong Ms. Manila 2023 ay dapat na may ‘wow factor.’

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Nagbigay pa ang alkalde ng maikling backgrounder kaugnay sa patimpalak na nagsimula noong 1998 sa panahon ni Mayor Alfredo Lim, ngunit pansamantalang tumigil dahil sa pandemic at ngayon ay muling inilunsad ng pamahalaang lungsod.

Ayon kay Lacuna, bukod sa 'wow factor’, dapat din siyang maging ‘Woman of Worth.’

“She should be true to herself.She has to love herself first before she can love others,” anang alkalde.

Idinagdag pa ng lady mayor na ang Miss Manila ay kumakatawan sa pagiging isang tunay na Manilenya at may matatag na paninindigan sa karapatan ng mga kababaihan.

Samantala, sinabi naman ni Dungo na ang Miss Manila pageant night ay gaganapin sa Hunyo 24, 2023.

Ang mga lalahok dito ay dapat na residente ng Maynila, nasa 18 at 30 anyos, may good moral character at maaaring estudyante o empleyado. Ang lahat ng interesado ay maaaring mag-apply viawww.missmanila.ph.

Ayon kay Dungo, ang top 100 ay pipiliin sa online application tapos ay top 50 naman ang kukunin sa face-to-face audition sa ilalim ng Miss Manila Executive Committee.

Mula dito ay kukunin na ang 25 finalists para sa pageant night habang sa mga finalists naman magmumula ang top 5, kung saan pipiliin ang mananalo bilang: Miss Manila 2023; Miss Manila Charity; Miss Manila Tourism, First runner-up at Second runner-up.

Ang tatanghaling Miss Manila 2023 ay inaasahang mag-uuwi ng korona at P1 milyong cash prize.