Magandang balita dahil nakatakda nang buksan para sa mga motorista ang España section ng North-Luzon Expressway (NLEX) Connector sa Marso 27.

Mismong si Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang nag-anunsiyo ng magandang balita nitong Miyerkules, matapos niyang pangunahan ang pinal na inspeksiyon sa NLEX Connector España Segment sa NLEX Caloocan Interchange.

Ayon kay Bautista, nasa 98% nang kumpleto ang naturang walong kilometrong NLEX Connector España section, na nagkakahalaga ng P23.3 bilyon.

Inaasahan naman ng DOTr na magiging malaking tulong ito upang mabawasan ang traffic congestion sa Kamaynilaan, lalo na at aabot sa hanggang 35,000 sasakyan ang inaasahang gagamit nito araw-araw.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Very important 'to sa ating mga mananakay. It will result to easing of traffic and because of that, magkakaroon ang mga mananakay ng mas time sa kanilang pamilya," pahayag pa ng DOTr chief.

Aniya, ang naturang NLEX Connector ay isang mahalagang proyekto ng pamahalaan dahil sumusuporta ito sa paglago ng ekonomiya habang pinahihintulutan ang mga commuters na maglaan ng mas maraming oras kasama ang kani-kanilang mga pamilya.

"Mas mabilis ang delivery ng goods and services 'pag mayroong maayos na kalsada," dagdag pa niya.

Anang DOTr, "The whole NLEX Connector stretches from Caloocan Interchange on C3 Road, Dimasalang, España Boulevard, Ramon Magsaysay Boulevard up to the vicinity of the Polytechnic University of the Philippines (PUP) in Santa Mesa, Manila, with on and off ramps at C3, España Blvd., and Ramon Magsaysay Blvd."

Sinabi naman ng NLEX Corporation, na ang expressway ay inaasahang magkakaloob ng mas mahusay na access sa ilang lugar sa Maynila, kabilang ang University Belt.

Idinisenyo anila ito upang mag-cater sa lahat ng klase ng sasakyan, kabilang na ang mga cargo trucks na maaaring dumaan doon ng 24/7 nang walang inaalalang truck ban.