Pinalawig pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang deadline para sa pagbuo ng kooperatiba ng mga jeepney operator na isa sa requirement sa implementasyon ng public utility vehicle modernization program ng gobyerno.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkules ng hapon, nilinaw ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III, na resulta ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pag-aaralan pa ang programa, gayundin ang naging payo sa kanya ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Kamakailan, nagdesisyon ang LTFRB na palawigin ang deadline hanggang Hunyo 30 dahil hindi pa sapat ang dami ng mga operator na sumali sa kooperatiba.
Inilabas ng LTFRB ang nasabing pasya kasunod na rin ng banta ng mga transport group na maglunsad ng tigil-pasada sa Lunes (Marso 6) hanggang Linggo (Marso 12) bilang pagtutol sa naturang programa.