Muling iginiit ni Pokwang na pekeng balita lamang ang napaulat ng isang pahayagan patungkol sa pagkabawas ng kaniyang followers sa social media platforms niya.
Natapyasan na umano siya ng social media followers dahil sa ginawa niyang rebelasyon tungkol sa hiwalayan nila ng ex-partner na si Lee O'Brian.
Hindi pinalagpas ni Pokwang ang nakasaad sa ulat na hindi raw nagustuhan ng mga netizen ang ginagawa niyang pambabarda sa ama ng kaniyang anak sa social media. Matatandaang sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" ay emosyunal na inilatag ng komedyante ang kaniyang panig tungkol sa tunay na dahilan ng kanilang hiwalayan.
Ayon kay Pokwang, sa pagkakaalam niya ay wala namang nalagas sa kaniyang followers; milyon pa rin ito sa Instagram at Twitter.
"Ha????? Sa pagkakaalam ko 3M pa rin followers ko sa IG at ganon pa rin 2.6M pa rin sa Twitter ahahahahahaa baka fake account 'yan sinasabi n'yo?" ani Pokwang.
Ngunit sa comment section ng kaniyang tweet ay may isang netizen na umaming inunfollow niya si Pokwang.
"Hello po! Isa ako sa nag-unfollow sa inyo. Siguro iilan lang kami kaya hindi n'yo po ramdam. Nag-unfollow po ako sa inyo dahil ayoko na nakikita kayong nasasaktan. Siguro nasanay din lang ako na strong Pokwang at hindi sa Pokwang ngayon na nasasaktan din pala. Be well po. God bless!," saad ng isang follower ng komedyante.
Tumugon naman dito si Pokie, "I-unfollow n'yo yung nanakit hindi yung nasaktan. 😃."
Marami naman sa mga netizen ang nagsabing mananatili sila sa tabi at likod ni Pokwang.
Sa isa pang tweet, naglabas pa ng "resibo" si Pokwang na hindi naman nabawasan ang kaniyang followers, taliwas sa napaulat ng pahayagan.
Sa halip nga raw na mabawasan ay nadagdagan pa ito.
"Hello (pangalan ng pahayagan) look nadagdagan pa po IG ko from 2.9M last week nag 3M na po si twitter ganon parin 2.6M naman FB ko private pang friends lang, yung si Ombre ang nabawasan from 231k noq 217k bwahahhahaa FAKE NEWS!"
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng pahayagan tungkol dito.