Sinagot ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) nitong Martes, Pebrero 28, ang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na bibigyan ng sapat na panahon ang mga tsuper para sa pagbili nila ng modernong sasakyan alinsunod sa PUV modernization program sa bansa.
Ayon sa PISTON, malinaw na manipestasyon ang nasabing pahayag ni DOTr Secretary Jaime Bautista na inaamin ng nilang mabigat nga sa bulsa ang mga modernong minibus at “unaffordable” ito para sa mga tsuper.
“Bakit ba kating-kati ang gobyerno ni Marcos Jr na mag-import nang mag-import para palitan ang mga lokal nating jeepney at paglaruan ang buhay ng maralitang Pilipino?” ani PISTON National President Mody Floranda.
“Sino ba talaga ang gusto nilang paunlarin? Malinaw na hindi ang mga Pilipino,” dagdag niya.
Saad pa ng PISTON, kung nais umano ng gobyerno na magkaroon ng mas abot-kaya, malinis at komportableng sasakyan sa bansa, ang praktikal at maganda umanong dapat gawin ay ang pagkakaroon ng makatarungang transition program sa pamamagitan ng pagsuporta sa local manufacturing industry at pagpapahintulot sa rehabilitasyon ng mga tradisyunal na jeep para mas maging malinis at maayos ang mga ito.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang grupo sa week-long transport strike na ikinakasa ng Manibela at iba pang transport groups sa darating na Marso 6.
“Pinakikita lamang nito na handang makipaglaban ang iba’t ibang samahan para pigilan ang sapilitang franchise consolidation at PUV phaseout na patuloy na itinutulak ng gobyerno,” ani Floranda.
“Handang protektahan ng mga tsuper at maliliit na operator ang kanilang kabuhayan dahil buhay ng pamilya nila ang nakasalalay rito lalo sa panahon ngayon ng matinding krisis sa ekonomiya,” dagdag nito.