Nanindigan ang ilang transport group na tuloy at wala nang urungan pa ang isang linggong transport strike na ikinakasa nila sa susunod na linggo upang tutulan ang isinusulong na Public Utility Vehicles (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.
Ayon kay Manibela transport group Chairman Mar Valbuena, isasagawa nila ang tigil-pasada simula alas-7:00 ng umaga ng Marso 6 hanggang Marso 12, 2023.
Tinabla rin naman ni Valbuena ang panawagan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na makipag-dayalogo bago mag-strike.
“Wala na munang diyalogo, I will stand on my ground. Tuloy na lang namin ito, kung ganyang nagyayabangan na lang tayo. Subukan po natin sa Lunes, subukan po natin ng isang lnggo magkakaalaman po tayo,” ani Valbuena.
Tinatayang aabot sa mahigit 100,000 PUVs ang lalahok sa strike na isasagawa sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, at Cagayan De Oro.
Sa Metro Manila pa lamang, tinatayang aabot sa mahigit 200,000 commuters ang maaapektuhan ng tigil-pasada.Sa kabila nito, nanindigan si Bautista na hindi ibabasura at itutuloy pa rin ang pagsusulong nila sa PUV modernization program.
Ayon kay Bautista, mananatili pa ang programa dahil ang pagbasura dito ay hindi ang tamang hakbang na dapat isagawa.
Giit pa niya, kailangang ma-modernize na ang mga PUVs sa bansa.
“'Yung pagbasura ng modernization program natin ay siguro ay hindi naman tama. Kailangan i-modernize natin 'yung ating public utility vehicles... ang tawag ko nga diyan 'yung CASA sa amin sa transport sector, CASA is very important no? CASA means na convenient, accessible, safe and secure, and affordable," paliwanag pa ni Bautista, sa isang panayam.
"'Yan ang laging pinag-iisipan namin sa transport sector and kung hindi mamo-modernize yung PUVs, hindi natin maiimplement 'yung CASA program ng Department of Transportation," aniya pa.
Sakali naman aniyang matuloy ang transport holiday, gumagawa na ng arrangement ang DOTr sa iba pang sektor upang magbigay ng libreng sakay na kakailanganin ng mga commuters.
Ayon kay Bautistsa, ilan sa mga nangakong magbibigay ng libreng sakay ay ang Philippine Coast Guard (PCG), Metro Manila Development Authority (MMDA), at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
"Mayroon kaming arrangement with other sectors, for example 'yung Coast Guard, available 'yung mga sasakyan, other government agencies, 'yung MMDA, madami namang susupport sa atin," aniya pa.