Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Bill 1920 o ang Free Parking Act na layong pagkalooban ng free parking ang mga senior citizen at persons with disabilities (PWD) sa commercial establishments para magkaroon daw sila ng mas maginhawa at accessible na “shopping experience”.

“This would in some way offer the paying public in the Philippines a small break from the current wave of fuel, energy, commodity, and other price hikes that the average salary rate is unable to adequately cover,” ani Tulfo sa kaniyang explanatory note.

Sa ilalim ng panukalang batas, kinalakailangang magpakita ang senior citizens at PWDs ng valid government ID tulad ng senior citizen ID o PWD ID para makakuha ng free parking.

Kinakailangang ipakita naman ng mga ito ang validation stamp o sticker na ibibigay ng commercial establishment para ma-avail ang nasabing libreng paradahan.

Nakalagay rin sa panukalang batas na dapat maglagay ang commercial establishments ng parking spaces na malapit sa entrance hall para sa mga senior citizen at PWD.

Ang nasabing free parking umano ay maaaring gamitin hanggang tatlong oras.

Kapag naisabatas ito, magmumulta umano ang lalabag na commercial establishments ng ₱10,000 hanggang ₱100,000 para sa unang paglabag, at ₱50,000 hanggang ₱500,000 kapag naulit pa ito.

Maaari rin daw bawiin ang business permit ng mga uulit na lumabag sa nasabing mga probisyon ng batas.

Samantala, hindi naman daw saklaw ng panukalang batas ang commercial establishments na nasa siyam lamang o mas kakaunti pa ang bilang ng parking spaces, at mga establisyemento na matatagpuan sa mga lugar na hindi madaling magagamit ang paradahan o wala sa ilalim ng kontrol ng commercial establishment.

Hindi rin daw kasali ang “overnight parking”.