Nasa kabuuang 500 newly hired na human resources for health (HRH) para sa fiscal year 2023 ang dumalo sa National Health Workforce Support System (NHWSS) Oath Taking Ceremony na pinangasiwaan ng Department of Health – Ilocos Region sa San Fernando City, La Union, nabatid nitong Martes.
Ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, ang mga naturang bagong HRH personnel ay ide-deploy sa apat na lalawigan sa Ilocos Region.
“Sila ay ilalagay sa mga 4th and 5th class municipalities sa iba’t-ibang probinsya, partikular na sa mga GIDAs (Geographically Isolated and Disadvantage Areas) ng region 1 to augment the needed health services sa mga areas na kulang ang ating mga health workers,” ani Sydiongco sa kanyang mensahe sa naturang seremonya.
“Part ito ng Devolution Transition Plan (DTP) ng kagawaran upang maipagpatuloy ang pagpapaunlad ng sistemang pangkalusugan sa ating mga lokal na pamahalaan,” dagdag pa ni Sydiongco.
Hinikayat din niya ang lahat ng HRH na gawin ang kanilang makakaya para magampanan ng mahusay ang kanilang tungkulin para sa benepisyo at ikabubuti ng kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan.
Nabatid na ang HRH workers ngayong taon ay nasa ilalim ng NHWSS program na siyang in-charge sa deployment, redistribution at retainment ng health workers sa bansa upang mapahusay ang access sa de kalidad na health services, gayundin ang health outcomes sa mga komunidad.
Binubuo ang mga ito ng mga nurses, midwives, medical doctors, medical technologists, dentists, pharmacists, nutritionists at physical therapists.
Mayroong 93 HRH na naka-deploy sa Pangasinan, 133 sa La Union, 180 para sa Ilocos Sur at 94 sa Ilocos Norte.
Samantala, nagpasalamat naman si Undersecretary for Field Implementation and Coordination Team (FICT) - North Luzon Eric A. Tayag sa bagong batch ng HRH.
“Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na ako sa inyong lahat, sa inyong sakripisyo upang mapabuti ang kalusugan ng ating mga kababayan. Kaya’t ang DOH ay gumawa ng paraan upang taasan ang inyong mga sahod sa taong ito para sa inyong kapakanan," aniya.
“Alam namin ang inyong mga hirap, ang inyong mga mithiin at ang inyong mga suliranin sa pagtataguyod ng inyong mga gawain at dahil dito ay nagpapasalamat kami sa inyo ng lubos,” dagdag pa ni Tayag.
Nabatid na ang mga HRH cadres na na-hired para sa 2023 ay mas kakaunti kumpara noong nakaraang taon.
Gayunman, plano ng mga local government units (LGUs) na kumuha rin ng health workers upang dagdagan ang naturang bilang sa kanilang mga lokalidad.