Posible umanong simula sa Mayo ay masimulan na ang planong limang taong pagtitigil sa operasyon ng Philippine National Railways (PNR), upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) project.
Ayon kay PNR general manager Jeremy Regino, una nilang ititigil ang biyaheng Alabang sa Muntinlupa City, patungong Calamba City sa Laguna sa Mayo.
Pagsapit naman ng Oktubre ay titigil na rin aniya ang biyaheng Tutuban, Maynila patungong Bicutan, sa Taguig City at pabalik, gayundin ang biyaheng Governor Pascual mula Malabon hanggang Tutuban.
"Most probably po by May. Ang una pong hihinto ay ang Alabang papuntang Calamba. At pagdating naman po ng Oktubre ay hihinto naman po ang Tutuban to Bicutan or Tutuban to Alabang at Governor Pascual from Malabon hanggang Tutuban," ani Regino, sa isang televised public briefing nitong Martes.
Sinabi naman ni Regino, na maaari pa namang maiurong ang naturang petsa.
Sa kanilang pagtaya, inaasahang aabot sa may 30,000 commuters ang maaapektuhan ng naturang pansamantalang pagsasara ng PNR.
Tiniyak naman ni Regino na humahanap na sila ng mga alternatibong paraan ng transportasyon upang matulungan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Metropolitan Manila Development Authority, at mga lokal na pamahalaan.