Matapos ang ilang mga isyu gaya ng pag-portray ng hindi maganda sa isang Muslim na karakter, "colorism," at iba pa, nahaharap na naman sa panibagong intriga ang action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo" matapos daw magreklamo ang vendors dito na nakakaistorbo ang taping nila at humihina tuloy ang kanilang benta.
Iyan ang pinag-usapan nina Ogie Diaz kasama ang co-hosts na sina Mama Loi, Tita Jegs, at Ate Mrena sa kanilang showbiz vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update."
Naloka naman si Ogie dahil dapat daw, mas tumataas pa ang sales dahil bukod sa maraming taong puwedeng bumili sa kanila, puwede pa silang ma-promote at puwede pa silang puntahan ng mga gustong makanood ng taping nila o makakita ng mga artista.
Ang nangyayari daw, kung hindi nanonood lang at dumaraan ang mga tao para manood ng taping, ang iba raw ay hindi pinadaraan kaya hindi nakakapunta sa puwesto ng mga nagtitinda.
Ibinahagi pa nila ang Facebook post ng isang nagngangalang "Abe Elaine" na tila nagrereklamong bumababa ang sales ng kanilang paninda dahil sa kanilang shooting.
Suhestyon ni Ogie, sana raw ay maaksyunan ng ABS-CBN at production team ang naturang isyu.
Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Coco Martin, o ang pamunuan ng ABS-CBN tungkol sa isyung ito.