Umuwing masaya ang anim na mangingisda sa Puerto Princesa, Palawan, matapos silang makahuli ng dambuhalang blue marlin na may timbang na tinatayang 300 kilos.

Sa panayam ng Balita sa isa sa mga mangingisda na si Pao-Paw Ruta, 30, anim daw silang nagtulong-tulong na para makahuli ng ganoon kalaking isda noong Miyerkules, Pebrero 22. Ngunit ang kanilang kasamahan at kaibigan daw na si Dexter Manatad ang siyang humila sa blue marlin mula sa karagatan ng Balabac, Puerto Princesa.

“Hinila po ng kasama ko ‘yan nang mano-mano hanggang sa mapagod na ang isda bago namin ito patayin,” ani Ruta.

Dahil daw sa laki at bigat nito, mahigit dalawang oras daw na nakipaghilahan si Manatad sa dambuhalang blue marlin.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagulat naman daw silang magkakaibigan nang malamang nasa mahigit 300-kilos ang timbang nito kasama na ang ulo at mga lamang loob.

Ayon kay Ruta, matapos linisin ang isda para ihiwalay ang ulo, buntot at bituka nito, tinatayang 270-kilos daw ang kanilang nabenta.

“‘Yung 270 kilos, malinis na po ‘yun. Kung isasama talaga siya nang buo, ulo at buntot at bituka niya, nasa 300 plus po ang timbang niya,” aniya.

Sa kabutihang palad, mayroon din daw agad na bumili sa nasabing dambuhalang isda.

“Halos lahat kami na 6 na tao doon sa bangka, sobrang saya po,” saad ni Ruta.

Nasa 13-anyos pa lamang daw si Ruta nang mangisda ito at pansamantalang huminto lamang siya para mag-aral noong 16-anyos siya. Bumalik daw siya sa pangingisda noong siya’y 22-anyos at nagtuloy-tuloy na hanggang ngayon.

Sa tagal niya sa paghahanap-buhay sa dagat, ngayon lamang daw nakakita si Ruta ng ganoong kalaking isda.

Matatandaang may napabalita ring nahuling dambuhalang blue marlin na may timbang naman na 210-kilos sa probinsya ng Cagayan. 

BASAHIN: Mangingisda, naka-jackpot sa nahuling dambuhalang isda sa Cagayan