Pumangatlo ang cancer sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga tao sa Pilipinas, ayon sa Philippine Society of Medical Oncology (PSMO).

Sa ulat ng PNA nitong Sabado, Pebrero 25, sinabi ni PSMO President Dr. Rosario Pitargue na mayroong 184 na kaso na na-diagnose sa 100,000 mga pasyente sa bansa.

May naiuulat din umanong 96 na pagkamatay na may kaugnayan sa kanser araw-araw.

Kaugnay nito, nangunguna raw ang lung cancer sa dahilan ng pagkamatay sa bansa.

“In terms of death, lung [cancer], it would be followed by liver, breast, colon and prostate,” ani Pitargue sa media forum sa National Cancer Summit noong Pebrero 24.

Ayon kay Healthy Pilipinas Co-Convenor Ralph Degollacion, malaki ang kontribusyon ng kapaligiran sa diagnosis ng cancer. Kabilang na umano rito ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, hindi pagdi-diyeta, at kakulangan ng pisikal na aktibidad.