Inilabas ng Social Weather Station (SWS) nitong Lunes, Pebrero 27, na tinatayang 83% umano ng mga Pinoy na nasa tamang edad ang nasisiyahan sa performance ni Vice President Sara Duterte.

Nasa 5% lamang naman umano ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa performance ng bise-presidente, habang 11% ang undecided.

Ang nasabing datos ay resulta ng isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 10 hanggang 14, 2022, sa pamamagitan ng personal na pakikipanayam sa 1,200 indibidwal na ang edad ay 18 pataas. May sample error margin ang survey na ±2.8%.

Dahil sa nasabing resulta ng survey, umakyat daw ang net satisfaction rating ni Duterte sa +77 (% satisfied minus % dissatisfied), mula +73 noong Oktubre 2022. Kinlasipika ito ng SWS na “excellent”.

“Vice-President Duterte's net satisfaction rating was excellent in all areas,” anang SWS.

Nakakuha umano si Duterte ng pinakamataas na net satisfaction rating sa Mindanao na may +96. Sinundan ito ng Visayas (+74), Metro Manila (+73), at Balance Luzon o mga probinsya sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila (+71).

"Excellent" din daw ang net satisfaction rating na nakuha ni Duterte sa rural (+81) at urban (+74) areas.

Ayon din sa SWS, nakatanggap ng “excellent” net satisfaction rating ang bise-presidente sa lahat ng demographics (mula +74 to +80) bukod sa mga estudyante sa kolehiyo.

Tanging ang college students lamang daw ang demographic na nagbigay kay Duterte ng net satisfaction rating na +66 o “very good”.

Ayon sa SWS, maka-classify ang may +70 o mahigit pang net satisfaction ratings bilang “excellent”; +50 hanggang +69 bilang “very good;” +30 hanggang +49 bilang “good”; +10 hanggang +29 bilang “moderate”.

Maka-classify naman ang may net satisfaction ratings na +9 hanggang -9 bilang “neutral”; -10 hanggang -29 bilang “poor”; -30 hanggang -49 bilang “bad”; -50 hanggang -69 bilang “very bad”; at -70 pababa naman bilang “execrable.”