Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros sa publiko na tulad noong EDSA People Power Revolution ay panatilihin ng bawat Pilipino na makibaka laban sa korapsyon, kawalan ng kita ng ordinaryong Pilipino, sa black propaganda, at sa pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan.
Naniniwala si Hontiveros na hindi pa tapos ang "People Power" o ang sama-samang pakikibaka ng mga Pilipino upang ganapin ang walang karahasang rebolusyon noong 1986 upang mapatalsik ang dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Aniya, "Marami ang hindi pa nakakatikim ng mga prutas ng pagkapanalo natin noong 1986. Hindi pa natin natutupad ang mga pangako niya."
Para sa senadora, mapahanggang sa ngayon, patuloy na tumitindig ang mga Pilipino para sa disenteng hanapbuhay para sa pamilya, makakain nang sapat, magkaroon ng abot-kayang serbisyong medikal, at kalayaan mula sa karahasan.
Ani Hontiveros, makalipas ang halos apat na dekada, patuloy na hinihiling ng mga Pilipino ang mga pangunahing karapatang ito mula sa gobyerno: ang seguridad sa pagkain, de-kalidad na edukasyon, at hustisya ay nananatiling hindi maabot, lalo na para sa mga mahihirap na Pilipino.
Pinalalahanan naman niya ang publiko na dapat mabuhay ang diwa ng People Power dahil hindi pa tapos ang laban.
"Until there is social justice for all Filipinos, the work we started 37 years ago is not done," pahayag niya.
Nitong ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, nagbalik-tanaw si Hontiveros sa kaniyang pakikiisa malawakang pakikibaka.
BASAHIN: Hontiveros, binalikan ang naging pakikiisa sa 1986 EDSA People Power Revolution
Nasa kolehiyo at 20-anyos daw ang senador nang magsimulang magsagawa ng kilos-protesta ang mga Pilipino sa EDSA na siyang nilahukan niya noong Pebrero 22 hanggang 25, 1986.