Inaasahang tataas pa ang jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa susunod na bola nito matapos na maging mailap pa rin sa mga mananaya, sa isinagawang lotto draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Sabado ng gabi.
Sa jackpot estimates ng PCSO na inilabas nitong Linggo, nabatid na posibleng umabot na sa P72.5 milyon ang jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa susunod na bola dito sa Lunes ng gabi, Pebrero 27, 2023.
Ayon sa PCSO, walang nakahula sa six-digit winning combination na 44-32-31-41-29-46 ng GrandLotto 6/55 na binola nitong Sabado ng gabi, kaya’t hindi naiuwi ang katumbas nitong premyo na P69,632,781.80.
Gayunman, mayroong tatlong mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P100,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.
Nabatid na wala rin namang nakatama sa six-digit winning combination ng Lotto 6/42 na binola rin nitong Sabado ng gabi, kaya’t hindi pa rin napanalunan ang katumbas nitong jackpot prize na P44,794,007.60.
Mayroon namang 46 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-24,000 na second prize para sa tiglimang tamang numero.
Ayon sa PCSO, inaasahan nilang aabot na sa P50 milyon ang jackpot prize ng Lotto 6/42 sa susunod na bola nito sa Martes, Pebrero 28, 2023.
Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang tuwing Martes, Huwebes at Linggo naman ang bola ng Lotto 6/42.
Samantala, muli namang nanawagan si PCSO General Manager Melquiades Robles sa publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga PCSO games, partikular na ang lotto, upang magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na instant milyonaryo, ay makatulong pa sa mga kababayan nating nangangailangan.