Napabilang ang Manila sa pinaka-hindi ideal na lungsod sa buong mundo para sa creatives, ayon sa digital marketing company na Adventrum.
Ayon sa pananaliksik ng kanilang Business Name Generator (BNG), naging panlima ang Manila sa pinaka-hindi ideal tirahan at/o pagtrabahuhan ng creatives tulad ng mga manunulat, designers, artists, at mga musikero, matapos umano itong makakuha ng average score na 3.2.
Sa tala ng BNG, may 14,644 bilang ng creative roles sa Manila, ngunit ang average na sahod lamang kada buwan dito ay $470.
Samantala, mayroon daw $518 monthly cost of living para sa isang tao, hindi pa kasama ang renta.
Ayon din sa BNG, mayroon lamang 17 berdeng espasyo at mga parke sa Manila. Higit pa roon, 22 lamang umano ang bilang ng mga museo at art galleries dito. Malaki ang maitutulong ng mga ito na mas mapalabas ang pagiging malikhain ng bawat indibidwal.
Nakuha umano ng BNG ang ‘Creative Capitals of the World’ sa pamamagitan ng mga sumusunod na pamantayan:
- Tinatayang bilang ng mga available na 'creative' roles
- Average na taunang sweldo na ini-advertise para sa creatives
- Gastos ng pamumuhay bilang ng isang creative, hindi kasama ang upa
- Bilang ng mga museo at art gallery
- Bilang ng mga berdeng espasyo
- Bilang ng mga klase at workshop
- Happiness score ayon sa bansa
Nanguna naman ang Tokyo sa pinaka-ideal na lungsod sa buong mundo para sa creatives, habang ang New Delhi ang pinaka-hindi ideal sa listahan ng BNG.