Humaplos sa puso ng netizens ang mga larawang ibinahagi ng isang guro na si Boots Beniga, matapos maisipan niyang gawin ang isang "experiment" na para sa kaniyang estudyante.

"I made an experiment, guys. Before I started the class today, I told my students to get their phones and text or give a message to their parents stating "THANK YOU AND I LOVE YOU, Ma/Pa," caption nito sa kaniyang Facebook post, noong Pebrero 22.

Ito ang ilan sa mga sagot ng magulang matapos matanggap ang mensahe ng kanilang mga anak:

"Thank you and I love you too, anak. Ingat ka lagi."

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

"Napaano ka ba Shai? I love you too."

"Okay kuya, I love you. Galingan mo sa school."

Mapapansin din na ilang mga magulang ang nagtataka sa mensahe, dahil hindi nila ito nakasanayang matanggap mula sa kanilang mga anak.

Ikinuwento naman ni Teacher Beniga sa Balita, na ito ay "motibasyon" nila bago magsimula ang kanilang klase. Dagdag pa niya, kakatanggap lang umano ng estudyante niya ng report card at masaya siyang walang bagsak sa kaniyang mga mag-aaral.

Aniya, "Ang activity na ito at parte ng motibasyon ng klase bago magsimula ang aming bagong lesson. Kakatanggap lang nila ng kanilang report card, kaya binati ko sila sa natamong tagumpay, dahil wala sa kanila ang bumagsak at lahat sila ay umabot sa ikatlong markahan."

Dito na naisipan ni Teacher Beniga na dapat pasalamatan ng kaniyang mga estudyante ang kanilang magulang, kaya niya nagawa ang nasabing eksperimento.

Aniya, "Dito ko naisipan na pasalamatan nila ang kanilang mga magulang/guardian sa pamamagitan ng pag-text ng Thank you and I love you. Kasi bilang isang guro sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao, naniniwala ako na ang natamo nilang tagumpay ay may isang magulang na umaalalay.

Halo-halong emosyon naman ang naramdaman ni Teacher Beniga, matapos mabasa ang sagot ng mga magulang.

Si Teacher Boots Beniga ay pitong taon ng nagtuturo sa Doña Carmen Denia National High School,Toril, Davao City.