Hinikayat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na magtungo na sa pinakamalapit na lotto outlets sa kanilang lugar upang tayaan ang kani-kanilang lucky six-digit combinations.

Ito’y dahil sa inaasahan na anilang aabot na sa mahigit P80 milyon ang jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na nakatakdang bolahin ngayong Linggo ng gabi, Pebrero 26, 2023.

Ayon sa PCSO, walang nakahula sa six-digit winning combination ng UltraLotto 6/58 na 08-02-45-28-47-19 na binola nitong Biyernes ng gabi, Pebrero 24, 2023.

Dahil dito, wala ring nakapag-uwi ng katumbas nitong jackpot prize na P76,321,637.80.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Gayunman, mayroon namang 12 mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P120,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Samantala, batay pa rin sa jackpot estimates ng PCSO, ang premyo naman ng Superlotto 6/49 na bobolahin rin ngayong Linggo ng gabi ay aabot na sa P15.8 milyon habang ang MegaLotto 6/45 naman na bobolahin sa Lunes ng gabi, Pebrero 27, 2023, ay may katumbas pa ring jackpot prize na P8.9 milyon.

Una nang sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na walang talo sa pagtaya sa lotto dahil sa halagang P20 lang ay may pagkakataon nang maging susunod na instant milyonaryo at makakatulong pa sa kawanggawa.

Ang UltraLotto 6/58 ay binubola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang SuperLotto 6/49 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.

Ang MegaLotto 6/45 ay may draw tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.