Nagbigay ng reaksiyon si Senador Robinhood "Robin" Padilla sa pag-remake ng "Handog ng Pilipino sa Mundo" na isinulat ng mang-aawit na si Jim Paredes, para sa ika-37 anibersaryo ng unang EDSA People Power Revolution.
Ibinahagi ni Padilla ang isang screengrab ng ulat patungkol dito at saka kinomentuhan.
"Maligayang Anibersaryo po sa inyo," ayon sa senador.
Sinabi ni Robin na ang kaniyang yumaong ama ay kabilang sa nangyaring pagkilos sa EDSA. Ito ay si dating Camarines Norte Governor Casimero Bustamante Padilla Sr. o "Roy Padilla" na kaalyado ni dating Pangulong Corazon Aquino.
"Kasama n'yo po ang aking yumaong Ama sa nangyaring pagkilos sa Edsa."
Sa dulo ay binanggit ni Padilla ang mga salitang "paggalang," "respect," at "respeto."
Kasama sa pinakabagong bersyon ng awitin ay sina Paredes, Boboy Garovillo, Noel Cabangon, Leah Navarro, Pinky Marquez, The Company, Celeste Legaspi, Bituin Escalante, Bayang Barrios at Mitch Valdez.
Kasali rin sa remake ang magkapatid na Magalona na sina Elmo at Arkin; theater artists na sina Gab Pangilinan, Bodjie Pascua, Raul Montesa and Audie Gemora; drag queens Precious Paula Nicole, Brigiding, at Tita Baby.
Ang "Handog ng Pilipino sa Mundo" ay orihinal na inilabas taong 1986 upang ipagdiwang ang walang dugong rebolusyon na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.