Sinagot nina P3PWD Party List nominee Atty. Rowena Guanzon at Albay 1st district Rep. Edcel Lagman ang alok na pagkakasundo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa kaniyang mensahe hinggil sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Sabado, Pebrero 25.
BASAHIN: Pagkakasundo, hangad ni Marcos sa EDSA People Power anniversary
Sa Twitter post ni Guanzon, sinabi niya na ayos naman daw ang pagkakasundo-sundo, ngunit bago iyon, kinakailangan muna umanong pagbayaran ang kanilang mga kasalanan.
“Reconciliation is okay, but restitution first. #PeoplePower,” ani Guanzon.
Samantala, sinabi naman ni Lagman na tinatanggap nila ang alok na pagkakasundo ni Marcos, ngunit nararapat na magkaroon muna umano ng pag-amin sa labis na kalupitan at paglabag sa karapatang-pantao na natamo ng bansa sa kamay ng administrasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong panahon ng batas militar.
“On the 37th anniversary of EDSA, we welcome Pres. Marcos Jr’s offer of reconciliation but there must first be an admission of the inordinate atrocities & rampant human rights violations during the dark age of martial law,” ani Lagman.
“Truth & atonement are preconditions to reconciliation,” dagdag niya.
Ayon sa Amnesty International, tinatayang mahigit 70,000 ang mga kinulong, 34,000 ang mga tinorture, at 3,200 ang pinatay noong panahon ni dating pangulong Marcos.