Nagbigay ng pahayag ang pamilya Aquino sa ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution nitong Sabado, Pebrero 25, kung kailan napatalsik sa pamamahala si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na pinalitan naman ni dating Pangulong Corazon Aquino.
“Today, we remember the heroism of the Filipino people who fought to end the Marcos dictatorship, thus restoring democracy in our country,” panimulang pahayag ng pamilya Aquino.
Binanggit din ng pamilya kung paano nagkaisa umano ang mga Pilipino para makuha muli ang kalayaan mula sa diktadurya.
“The EDSA People Power Revolution showed the world that it was possible for a courageous and unified people to reclaim the freedom that a dictatorship had denied them,” anila.
“We believe that the indomitable spirit exemplified by one Filipino nation 37 years ago remains alive to this very day. It is that same spirit that guards and protects our democracy, confronting those who attempt to deceive us and undermine our rights and liberties.”Binigyang-diin din ng pamilya Aquino ang kanilang pagtutol sa pagbabalik umano ng diktadurya sa bansa.
“Nakikiisa tayo sa lahat ng mga tumututol sa pagbalik ng diktadurya at sa pagrerebisa sa ating nagkakaisang alaala. Nakikiisa tayo sa lahat ng naglilingkod para sa isang mas maginhawa at mas malayang bukas para sa ating bansa,” anang pamilya Aquino.
“Nakikiisa tayo sa lahat ng kumikilos para isabuhay ang diwa ng EDSA. Walang duda: buhay ang diwa ng EDSA,” dagdag nila.
Taong 1986 ng Pebrero 25 nang magmartsa ang libo-libong mga Pilipino upang patalsikin sa pwesto si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.. Matapos itong mapatalsik sa Malacanang, nanumpa naman sa pagka-pangulo si dating Pangulong Corazon Aquino nang araw ding iyon.