Namahagi ang Department of Health (DOH)– Ilocos Region ng kabuuang P89,000 cash prize para sa mga estudyanteng lumahok sa inilunsad nilang dance competition para sa kanilang “KaHeartner Campaign.”
Sa isang press release nitong Sabado, sinabi ni Regional Director Paula Paz Sydiongco na ang naturang dance contest ay isinagawa nila nitong Lunes lamang sa Saint Louis College (SLC) sa San Fernando City, La Union.
Ayon kay Sydiongco, layunin nitong higit pang isulong ang kahalagahan ng kampanya sa mga mag-aaral na magkaroon ng kamalayan sa cardiovascular disease at isulong ang kahalagahan ng malusog na pamumuhay.
“Teenagers and young adults aged 14–18 is now at risk of heart diseases because of sedentary lifestyle which is a growing a concern due to the increasing attraction to smart phones and tablets and internet. Nakakalimutan na nila ang paglalaro sa labas ng bahay at pag-ehersisyo dahil pagkagising ay nakahawak na sa kanilang mga gadgets,” ani Sydiongco.
“That is why it is very important to focus on prevention and emphasize the importance of fitness and exercise while they are young,” paghikayat pa ni Sydiongco.
Nabatid na ang dance competition ay binuksan para sa lahat ng mag-aaral sa high school at college sa lalawigan ng La Union, na may 7-15 na miyembro lamang.
Ang tema ng kumpetisyon ay ‘KaHeartner: Move More!! Eat Right!!’
Kabuuang siyam na grupo mula sa iba’ba ibang paaralan ang lumahok sa dance contest.
Ang Intensified Ventures dance group na mula sa La Union National High School ang nakapag-uwi ng first prize na ₱25,000; Second prize naman ang Felkris dance group na mula sa Felkris Academy Inc., na nakatanggap ng ₱15,000 cash prize; at nakuha naman ng Lagtaw Dance Troupe ng Don Eulogio De Guzman Memorial National High School ang ikatlong puwesto at nakapag-uwi ng ₱13,000 sa cash prize.
Samantala, nakapag-uwi naman ng tig-P6,000 cash na consolation prize ang Sanduli Dance Troupe (Lorma College), LZDS Dance Troupe) Lord of Zion Divine School Inc.), LHS Dance Troupe (Don Mariano Marcos Memorial State University - South La Union Campus), Cadeceus (Union Christian College), BPED Dance Troupe (Don Mariano Marcos Memorial State University – College of Education) at ang Aringay National High School Dance Group.