Isinagawa ng Caloocan City Health Department ang “10 Minutes Awra,” isang libreng human immunodeficiency virus (HIV) testing at counseling program sa Caloocan Complex, City Hall, mula Lunes, Peb. 20 hanggang Biyernes, Peb. 24.

Ang 10 Minutes Awra ay pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at mga organisasyon, kabilang ang Caloocan Social Hygiene Clinic, Pilipinas Shell, United States Agency for International Development, President's Emergency Plan for AIDS Relief (PEPFAR), Family Health International (FHI-360), EpiC Project, The Library Foundation (TLF) Share at Department of Health (DOH) -Metro Manila.

“Marami na po tayong mga testing center sa buong NCR. Ito pong programa ay inilunsad natin sa Caloocan para sa ating mga kababayan. Mabilis at non-invasive po ang proseso,” ani City Health Department (CHD) Officer-in-charge Dra. Evelyn Cuevas.

Binigyang-diin niya na ang aktibidad ay naglalayong itaas ang kamalayan sa mga sintomas, yugto, pag-unlad, at posibleng paggamot sa HIV sa mga residente, lalo na sa mga kabataan.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Ayon kay Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, layunin ng city health department na ipaalam sa mga residente ang mga pasilidad at programa ng lungsod na naaayon sa HIV prevention. Aniya, kailangang sumailalim sa counselling ang mga pasyenteng nakakuha ng impeksyon.

“Ito po ay bahagi ng ating pagnanais na matugunan ang mga pangangailangang medikal ng ating mga kababayan at magabayan sila hinggil sa sakit na HIV,” anang alkalde.

“Sa pamamagitan din po ng ating counseling, umaasa po ang Pamahalaang Lungsod na mabigyang linaw ang mga maling paniniwala sa HIV at magabayan ang kasalukuyang nakikipaglaban sa nasabing sakit at kanilang mga nakakasalamuha,” dagdag niya.

Diann Ivy C. Calucin