Inanunsyo ng President Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Pebrero 23, na magsisimulang mag-export ang Pilipinas ng durian sa China sa darating na Marso.

Ito ay matapos umano ang state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa China noong nakaraang buwan, na siyang nagbukas daw ng produktong pang-agrikultura ng bansa sa importers ng China.

Sa ulat President Communications Office (PCO), ipinaalam ng Department of Agriculture – Bureau of Plant Industry (DA-BPI) na mage-export na ang Pilipinas ng durian sa China sa Marso, at mayroon nang 7,500 metric tons (MT) initial volumes ng durian na nakahanda nang ipadala sa bansa sa Asya.

Manggagaling daw ang nasabing mga durian sa 59 iba’t ibang magsasaka o producers na saklaw ng nasa 400-ektaryang production area sa bansa.

“Manila and Beijing agreed on a protocol of phytosanitary requirements for the export of fresh durians from the Philippines to China between the Department of Agriculture (DA) and China’s General Administration of Customs,” anang PCO.

Bukod sa durian, kasama rin daw ang ibang prutas tulad ng saging at niyog sa $2.09-bilyong purchase intentions para sa fruit exports ng bansa na sinigurado ng administrasyong Marcos.

Kinumpirma rin umano ni Marcos na mahigit apat na kumpanya na ang nagpaabot ng intensyong bumili ng mas maraming tropic fruit products sa bansa, lalo na ng durian.