Sinuportahan ng isang kongresista ang plano ng Department of Education (DepEd) na pagkalooban ng legal at financial advice ang mga guro upang hindi sila mabiktima ng tinatawag na "loan sharks."
"Magandang hakbang ang planong ito ng DepEd sa pangunguna ni Vice President Sara Duterte upang maprotektahan ang ating mga guro laban sa mga loan shark at iba pang mapang-abusong uri ng pagpapautang," pahayag ni House Committee on Labor and Employment chairman Rizal Rep. Fidel Nograles.
"Dahil sa kagipitan, marami sa ating mga guro ang pumipirma ng mga kontratang ikapapahamak nila para may pantustos sa kanilang pamumuhay, o 'di kaya'y uutang para pambayad sa iba pang utang," anang kongresista.
Kukumbinsihin din aniya nito ang mga kasamahan sa legal aid foundation na Lakbay Hustisya upang ialok ang kanilang serbisyo sa mga guro upang hindi maloko ng mga nagpapautang.
"Matagal nang hinaharap ng mga guro natin ang banta ng mga loan shark, at panahon nang kumilos tayo laban rito. Umaasa akong mas marami pang mga abogado ang mag-aalay ng kanilang tulong sa kanila," dagdag pa ng kongresista.
Philippine News Agency