Magandang balita dahil may bagong tahanan na ang Manila Council Scouting Center of the Boy Scouts of the Philippines (MCSC-BSP) sa Maynila.

Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa inagurasyon ng bagong bahay ng MCSC-BSP na matatagpuan sa loob ng Apolinario Mabini Elementary School sa Quiapo, Manila nitong Huwebes.

Sinamahan siya nina Manila Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Division of City Schools Superintendent Magdalena Lim,  BSP Council Chairman Rodel Sampang, City Engineer Armand Andres, City Architect Pepito Balmoris at City Electrician Randy Sadac, gayundin ang mga council officials at local council executive board members ng Manila Boy Scout.

"Ngayong may sarili na kayong bahay at lugar, natitiyak kong lalo pang magiging masigasig at aktibo ang BSP Manila sa paghihikayat sa marami pang kabataang Manilenyo na sumali sa scouting," pahayag ni Lacuna sa nasabing pagtitipon.    

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

"Ang Boy Scout bilang isang matibay na katuwang ng mga pangunahing institusyon ng lipunan tulad ng pamilya at paaralan, ay tunay namang nakakatulong sa paghuhubog ng pagkatao, pagpapalakas ng kakayahan, paglinang ng talento at paggabay sa ating mga kabataan na sila ay maging tunay na kapaki-pakinabang at responsableng mamamayan," aniya pa.    

Sa kanyang mensahe, binanggit ni  Lacuna ang papel na ginagampanan ng BSP sa paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan pati na ang ambag nito sa pag-unlad ng Maynila at ng buong bansa sa kabuuan.       

Pinasalamatan din ng alkalde ang dating Department of Budget and Management  Secretary na si Wendel Avisado at city administrator Bernie Ang na nagbigay daan para magkaroon ng suportang pinansyal ang proyekto;  Engr. Andres para sa kanyang superbisyon at Dr. Lim sa pagpayag na gamitin ang  A. Mabini Elementary School.    

"Di lang ito magsisilbing tanggapan, bagkus, mayroon na rin kayong Training Hall, Museum at Multipurpose Hall. Sa pamamagitan ng inyong mga camping activities, marami kayong maibabahaging kaalaman, karunungan at kasanayan sa mga kabataan. Alam kong marami pa kayong ibang mga proyekto at mga programang isasagawa para sa mga kasapi ng Boy Scouts at hangad ko ang tagumpay ng lahat ng inyong mga pinaplano," aniya pa.    

Nabatid na ang bagong gusali ng  BSP ay isang apat na palapag na istruktura at mayroon itong  board room, control room, toilet, main office, chairman's office, scout executive's office, finance office, pantry, toilet, open deck, training hall at  multi-purpose hall. Ito ay nakatayo sa 205-square-meter na lote.    

Samantala ay labis naman ang pasasalamat ni Sampang sa city government ng Maynila sa ilalim ng liiderato ni  Lacuna, dahil sa hindi matatawarang suporta sa scouting community sa gitna ng pandemya na kinakaharap ng lungsod.    

"Rest assured that the Manila Council will never stop in preparing our scout, mga Batang Maynila, as agents of change in the communities guided by their scouters and the law," sabi nito.     

Sinabi pa ni Sampang na ang future generation ng scouts ay mag-develop ng "values and acquire competencies to become responsibilities of Manila and our country and become capable leaders who are self-reliant and resilient in fulling duties."     

Nangako naman ang alkalde sa BSP ng pagkakalooban ito ng buong suporta ng city government sa mga kasalukuyan at hinaharap ng proyekto nito.