Isang lalaking naka-check in sa isang hotel sa Cubao, Quezon City ang umano'y walang saplot na nagwala sa lobby nito, umaga ng Huwebes, Pebrero 23.

Ayon sa ulat ng "Sakto," magche-check out na raw sana ang lalaki subalit wala itong maipakitang susi at hindi maisurender sa receptionist kaya saglit muna itong pinaghintay upang masuri ang kuwartong inupahan nito.

Maya-maya raw ay bigla na lamang naghubo't hubad ang lalaki at lumapit sa sekyu ng hotel. Agad naman siyang dinala sa isang sulok upang hindi maeskandalo ang iba pang mga customers, lalo na ang mga pamilyang may kasamang bata.

Sumunod daw ay nagwala na nga ang lalaki at tila nagbabanta raw na sasaktan ang sarili. Nang mabuksan ang kuwarto nito, nabihisan daw ang naghuhuramentadong lalaki at doon na raw bumungad ang isang plastic syringe na hinala ng pulisya ay ginamit sa pagturok ng ipinagbabawal na gamot.

National

PBBM sa WPS: 'Ito ay hindi kathang isip lamang, ito ay atin!'

Nang usisain umano ang lalaki kung ano ang pangalan nito, "Son of God" ang tugon nito. Kuwento niya, mayroon daw siyang kasama sa inupahang hotel room subalit kinuha raw nito ang kaniyang bag nang umalis na ito. Nakuha raw sa kaniya ang mga ID maging pitaka niya.

Ayon sa latest update, wala pa umanong tiyak na pagkakakilanlan sa naturang lalaki.