“Tayo po ay hindi na alipin ng mga banyaga. Tayo po ay hindi na puwedeng utos-utusan ng mga banyaga. Hindi po papayag si Andres Bonifacio. Hindi rin papayag si Jose Rizal.”

Ito ang pahayag ni Senador Robinhood “Robin” Padilla sa paghain niya ng Resolution No. 488 na layong ipagtanggol ng Senado si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa paglabag sa karapatang pantao ng ‘war on drugs’ ng administrasyon nito.

BASAHIN: Sen. Padilla, nagpasa ng resolusyon na dedepensa kay Duterte vs imbestigasyon ng ICC

Sa ginanap na plenary session nitong Miyerkules, Pebrero 22, ibinahagi ni Padilla na isang demokratikong bansa ang Pilipinas at hindi dapat litisin ng mga banyaga.

“Hindi po tayo isang demokratiko at malayang bansa kung hahayaan nating makulong sa pag-uusig at paglilitis ng mga banyaga. Tayo po ay hindi na alipin ng mga banyaga. Tayo po ay hindi na pwedeng utos-utusan ng mga banyaga. Hindi po papayag si Andres Bonifacio. Hindi rin papayag si Jose Rizal,” saad ni Padilla.

Binigyang-diin din nito na ihahain daw niya ang nasabing resoulusyon kahit sino pa ang maging pangulo ng Pilipinas na iimbestigahan ng mga banyaga.

“Kahit kanino pa po nilang gawing pangulo, isa pong malaking insulto ito sa atin kapag mayroon pong dumating ditong banyaga at uutos-utusan po tayo at sila mismo ang magkukulong sa ating pangulo,” ani Padilla.

Binanggit din ng senador na humiwalay na ang Pilipinas sa Rome Statute ng ICC noong Marso 17, 2018.