Nasa 300 Dumagat-Remontado indigenous people (IP) mula General Nakar, Quezon ang patuloy na nagmamartsa papuntang Malacañang para sa kanilang panawagan na itigil ang Kaliwa mega-dam project na makasisira umano sa Sierra Madre at sa kanilang pamumuhay sa lugar.

Sa pagmartsa ng IPs mula Pebrero 15 sa tinawag nilang “Alay Lakad Laban sa Kaliwa Dam”, sinamahan sila ng environmental groups at ibang advocates mula sa sektor ng agrikultura para tutulan ang pagtatayo ng New Centennial Water Source–Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP) sa hangganan ng Rizal at Quezon Province. 

“We mobilized today to emphasize our firm opposition against the construction of the New Centennial Water Source–Kaliwa Dam Project—which we see as anti-people and anti-environment. We have been fighting against this project for decades, under the rule of the late dictator Ferdinand Marcos Sr. and we continue to do so under his son’s new regime,” ani indigenous Dumagat Kakay Tolentino, spokesperson ng Network Opposed to Kaliwa-Kanan-Laiban Dam.

“Defense of ancestral lands and waters is integral in realizing Indigenous Peoples right to self-determination. Submerging almost a hundred hectares of lands will cause irreparable loss of sacred sites, forests, biodiversity and communities in a crucial time we are battling against planetary devastation due to climate change,” saad naman ni International Indigenous Peoples Movement for Self-Determination and Liberation (IPMSDL) Global Coordinator Beverly Longid.

Ang iminungkahing NCWS-KDP ng Metro Manila Waterworks and Sewage System (MWSS) ay naglalayong solusyunan umano ang problema sa tubig ng Metro Manila. 

Ngunit binigyang-diin ng environmental and conservation group na STOP Kaliwa Dam Network na hindi raw dapat makompromiso ng pagresolba sa water crisis ang kaligtasan ng mga residenteng umaasa sa Kaliwa River at Kaliwa Watershed Forest Reserve para sa malinis na tubig, pagkain, kabuhayan, at proteksyon laban sa kalamidad.

Isa si Tata Venus sa mga nagmamartsa mula pa Pebrero 15 para iparinig sa gobyerno ang kaniyang panawagang patuloy na protektahan ang lupang ninuno na kinukuhanan nila ng kabuhayan.

“Talagang masakit na ang binti ko, ang paa, talagang pagod na. Pero hindi ko ‘yun pinansin at ipinagpatuloy ko pa rin ‘yung paglalakad ko para lang makarating doon sa dapat pagpaabutan ng aming kahilingan. Ang panawagan ko po at sampu ng aking mga kasama sa pamayanan ng Makid-ata ay tulungan talaga kami na huwag maituloy 'yung project na dam sa kadahilanan pong nandoon po talaga ang aming kinabubuhay,” ani Tata Venus sa post ng Stop Kaliwa Dam FB page.

“At bilang katunayan nga po, buong saklaw ng aming pamayanan ay nariyan po ang sari-saring naipundar na mga halaman gaya ng niyog, kalamansi na libo-libo, lansones, at sari-sari pang mga halaman na naitanim namin diyan,” dagdag nito.

Ayon sa mga tagapagtaguyod ng dam project, nagbigay na ng permiso sa kanila ang mga IP, ngunit binigyang-diin ng Indigenous Dumagats na kabulaanan ito sapagkat nasa 200,000 na pirma na raw ang natanggap nila bilang pagtutol sa nasabing proyekto.

Target ng grupo na makakalap ng kabuuang 500,000 pirma ngayong Pebrero, 2023.