Inalmahan ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) nitong Miyerkules, Pebrero 22, ang panibagong deadline ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na Hunyo 30, 2023 para bigyang-daan ang PUV Modernization Program (PUVMP) ng bansa.
Nag-isyu noong Martes, Pebrero 21, ang LTFRB ng Memorandum Circular 013-2023 na nagsasabing ang bagong deadline sa traditional jeepney phaseout ay magiging sa Hunyo 30, 2023.
Sa pahayag ni Mody Floranda, Piston national president, ang pag-surrender ng mga tsuper sa traditional jeepneys at pagkuha ng modernong jeep ay lalong magpapahirap at magbabaon sa kanila sa utang.
Ayon sa Piston, ang tradisyunal na jeepney ay may halaga lamang na ₱200,000 - ₱600,000 per unit habang imported minibus ay nagkakahalaga ng ₱2.4 to ₱2.8-milyon kada isa.
“Malinaw na palpak ang PUVMP kaya hanggang ngayon, marami pa ring operator ang tumatangging pumaloob dito at isuko ang kanilang mga prangkisa at kabuhayan dahil sa oras na isuko nila ang kanilang indibidwal na prangkisa, ‘pag di nila nakayanan ang bigat ng gastos ng modernization, wala na silang babalikang kabuhayan dahil wala na silang mga prangkisa, consolidated na,” ani Floranda.
Sinabi din ng Piston na sa kasalukuyan ay walang umanong sapat na malaking industriya ang bansa para makuha ang mga trabahador na mapapaalis ng kasalukuyang mga iskema ng PUVMP.
Binanggit din nito ang pinakabagong tala ng lakas-paggawa mula sa Philippine Statistics Authority kung saan nagpapakita na karamihan sa mga trabahong nalilikha sa bansa ay impormal, kaya’t mas delikado ito dahil sa kasalukuyang krisis sa socio-economic at mataas na inflation sa bansa.
“Patuloy ang panawagan namin para sa modernisasyong nakabatay sa rehabilitation at refurbishment ng mga lumang jeepney para maging mas malinis at mas komportable at para makapagpaunlad ng sarili nating manufacturing industry at makalikha ng maraming trabaho sa milyon-milyong manggagawang walang pormal na trabaho, hindi yung sapilitang isinusupalpal sa mga maliliit na operator ang mga pagkamahal-mahal na imported minibus na itinatambak na nga dito sa bansa, wala pang direktang ambag sa ating ekonomiya,” dagdag nito.