Hindi pa rin makapaniwala ang Batangueña social media personality at TikTok star na si “Queenay Mercado,” na siya ang napiling kauna-unahang brand ambassador ng “Jullien Skin,” bagong launched na skincare product business ni Jam Magcale, president ng JDM Corporation.
Si Queenay, na kinagigiliwan sa kaniyang Batangueña accent, at minsa’y kakulitan ng kaniyang “inay,” ay may higit 13M followers sa TikTok at unti-unti na ring pinapasok ang mundo ng showbiz. Matatandaang bumida siya sa handog na seryeng "52 Weeks" ng Puregold katambal si Jin Macapagal at kabilang din siya sa sitcom na "Oh, My Korona."
Ginanap ang launching ng produkto at media conference sa Scout 1880 Cafe and Private Events sa Mother Ignacia St., Diliman, Quezon City nitong Miyerkules, Pebrero 22, 2023.
Isang masiglang-masigla at blooming na Queenay ang bumungad sa media press, na sinamahan pa ng kaniyang maganda ring kapatid na si Jam, na siyang president ng naturang beauty product.
Nakatutuwa ang kuwento ni Jam dahil nagsimula lamang daw ang konsepto ng kanilang produkto dahil sa kaniyang thesis sa college. Ngayon, isa na itong ganap na negosyo na "ilalabas ang ganda" ng lahat, at handang-handa nang makipagsabayan sa iba pang brands.
Pag-amin ni Queenay, bago siya maging confident sa sarili niya ngayon, nakaranas muna siya ng panlalait noon sa kaniyang hitsura. Mahiyain din siya at hindi niya raw kayang humarap sa maraming tao. Tipong kahit may katabi na siya ay hindi siya ang mauunang kumibo rito.
Subalit sa pagdaan ng panahon, natutuhan daw niyang hasain ang kaniyang sarili sa tulong na rin ng kaniyang inay. Sumabak siya sa iba't ibang workshops gaya ng acting at modelling upang mawala ang kaniyang agam-agam na humarap sa maraming tao.
Natutuhan na lamang niya ngayon ang pag-aayos nang bonggang-bongga at paglalagay ng make-up sa kaniyang sarili.
Pag-amin ni Queenay, kung meron man siyang maituturing na crush sa showbiz, ito ay walang iba kundi si Kapamilya actor Joshua Garcia.
Natanong din ng Balita kay Queenay kung bilang content creator na hina-highlight ang accent ng mga taga-Batangas, nakaranas na ba siya ng bashing?
Oo ang tugon dito ni Queenay. Nilinaw ni Queenay na likas sa kaniya ang pagsasalita na may puntong Batangueña dahil doon nga siya isinilang. Hindi na lamang niya pinapansin ang bashers dahil sa palagay niya, wala namang masama sa kaniyang pagsasalita dahil naturalesa ito sa kaniya. Isa pa, hindi naman niya pinagtatawanan ang accent.
Nauntag din ng Balita ang tungkol sa mental health issues ng ilang content creators. Paano nga ba niya hina-handle na huwag masyadong ma-pressure?
Aniya, nag-eenjoy lamang siya sa kaniyang ginagawa. Hindi niya binibigyan ng pressure ang kaniyang sarili. Kung hind naman niya feel mag-upload, pinakikiusapan niya ang kaniyang inay na siyang mag-content muna.
Pagdating naman sa bashing, paminsan ay hindi siya nagbabasa o tumatambay sa social media. Binibigyan muna niya ng kalayaan ang kaniyang sarili upang makahinga-hinga sa mundong nagpasikat sa kaniya, dahil sa katunayan, milyon-milyon ang kanilang followers sa TikTok.
"Mahalaga ang mental health ngayon, lalo na sa ating mga social media personalities. Marami tayong nararanasang bashing at talagang toxic na rin kasi ang social media. Para sa akin ho, talagang importanteng magpahinga ka. Hayaan mo muna ang sarili mong... wala ka munang content... pero babalik ka rin naman eh, hayaan mo muna ang sarili mo for a while, pahinga rin," sagot ni Queenay.
Sa kaniyang Facebook post ay nagpasalamat naman si Queenay sa matagumpay na launching ng Jullien Skin at mediacon.
"Nag-uumapaw ho sa galak ang aking puso sa naranasan ko pong napakalaking privilege na mapili bilang Brand Ambassador ng Jullien Skin."
"Sa napakabait, napaka-supportive at napakagandang founder, nais ko po syang pasalamatan mula sa kaibuturan ng aking puso. Ma’am JAM, Di ko po makakalimutan ang inyong napakagandang ipinaranas ngayong araw pong ito, Mahal ko po kayo."
"Sa mga dumalo mula po sa iba’t ibang media outlets at sa lahat ng bumubuo at nakasama sa Jullien Skin, sobrang nag-enjoy po ako na makasama kayo. Salamat po sa masarap na kuwentuhan. Highly appreciated po talaga. God bless po," aniya.