Kinuwestiyon ng mga sugar worker ang inapurang pag-aangkat ng asukal ng pamahalaan.
"Bakit tayo nagmamadali eh nasa peak tayo ng ating harvest? Wala tayong dapat ikabahala sa supply. Alam naman natin, it's an open secret na within SRA (Sugar Regulatory Administration) and DA (Department of Agriculture) na maraming sindikato ng traders dito sa ating bansa lalo, na sa sugar importation," pahayag ni Butch LozandeNational Federation of Sugar Workers (NFSW) Secretary General Butch Lozande, sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.
Aniya, maituturing na economic sabotage ang naturang hakbang ng DA.
Reaksyon ito ng grupo sa pahayag ni DA Undersecretary Domingo Panganiban na minadali nila ang pag-i-import ng asukal.
Nauna nang idinahilan ni Panganiban na layunin lamang nilang mapababa ang presyo ng asukal sa bansa.
Nabalewala lamang aniya ang SRA dahil inapura ng DA ang proseso sa pag-aangkat ng produkto.
Nagbanta na rin si Senator Risa Hontiveros na posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo si Panganiban kaugnay sa usapin.
Bilang depensa, sinabi ni Panganiban na "sumunod lamang umano ito sa memorandum ni Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay sa importasyon ng asukal."