Nanawagan nitong Huwebes si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga residente at kawani na tumulong upang pasiglahin at paunlarin ang industriya ng turismo sa kabisera ng bansa at huwag makuntento lang na maging 'stopover' lang ang lungsod.    

Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna matapos na masaksihan ang pagdating ng Silver Spirit, ang unang cruise ship na dumaong sa Maynila matapos na tamaan ng pandemya ang lungsod dalawang taon at kalahati na ang nakakaraan.    

"Ito ay isang senyales na tunay na ngang bukas ang bansa para tanggapin ang lahat ng nais dumalaw at makitang muli ang kagandahan ng ating bansa," ayon kay Lacuna.    

Idinagdag pa ng alkalde na malaking tulong sa turismo ng bansa at ng Maynila ang nasabing pagdaong ng Silver Spirit.    

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

"Sinisikap natin na ang Maynila di lang maging stopover, na dadating lang ang turista tapos pupunta na sa ibang lugar,  kung di magtagal naman sana sila dito sa ating lungsod at madalaw ang magagandang lugar dito," aniya.    

Sinabi ni Lacuna na isa sa importanteng paraan upang maging kaanya-anyaya ang Maynila ay ang pagpapanatiling malinis ito, maging ang mga kasuluk-sulukan.    

Muli rin namang inulit ng alkalde ang kanyang panawagan na obserbahan ang kalinisan sa loob at labas ng tahanan.    

Matatandaan na sa kanyang unang araw bilang alkalde ay nagpalabas si Lacuna ng Executive Order na nagtatakda sa tuwing araw ng Biyernes kada linggo bilang  'Cleanup Day' sa city government offices at barangays.    

Patuloy din ang pagpapaalala ni Lacuna sa lahat ng Manilenyo na gawin ang bawat araw bilang 'Cleanup Day' upang matiyak na ang kapaligiran ay maging malinis sa lahat ng oras.