Kinaaliwan ng mga netizen ang pabirong payo ng heartthrob na si Ian Veneracion patungkol sa bansang Switzerland, na naka-upload sa kaniyang Instagram account.
Ayon kasi kay Ian na kumakain ng ice cream, huwag na raw mgadala ng jacket ang mga Pinoy na pupunta sa naturang bansa dahil saksakan daw ng init doon.
Kung may nakikita man silang mga nakasuot ng jacket, pang-porma lamang daw ito.
“Huwag ka na magdala ng jacket. Mainit dito eh, may ice cream nga ako. Parang summer dito. ‘Yung mga tao kaya naka-jacket ‘yan, wala, pang-porma lang ‘yan," aniya habang kumakain ng ice cream.
"Pero, sa totoo mainit dito, parang nasa Malabon ka lang. Kaya huwag na kayong magdala ng jacket, sayang. Mabigat sa bag eh,” hirit pa ng aktor.
Pero makikitang tila natawa ang singer-songwriter-TV host na si Ogie Alcasid na kasama niya sa isang mini concert.
Napa-react naman ang mga taga-Malabon sa pabirong hirit ni Ian.
"Bakit sa Malabon lang ba mainit? Taga-Malabon ako! Hahaha."
"Malabon lang? Buong Pilipinas hahaha, ay except siguro sa Baguio at Tagaytay."
"Bakit Malabon? 😂 Taga-Malabon ka rin ba?"
"Grabe ka sa Malabon namin huh ano summer feels dito."
"Nandiyan ka kasi Papa Ian kaya hot!"
Sa iba pang IG videos ni Papa Ian ay makikitang may yelo o niyebe sa paligid kaya siguradong malamig doon.