Isang guro sa France ang nasawi matapos umanong saksakin ng kaniyang 16-anyos na estudyante sa gitna ng kanilang klase nitong Miyerkules, Pebrero 22.

Sa ulat ng Agence France Presse, nagtuturo lamang sa Spanish class ang biktima na si Agnes Lassalle, 52, sa eskwelahan sa Saint-Jean-de-Luz nang saksakin siya ng kaniyang estudyante gamit ang kutsilyo na may habang halos 4-pulgada. Sinubukan pa raw siyang gamutin ngunit agad na binawian ng buhay dahil sa natamong mga sugat.

“He was very calm. He got closer to her and plunged a big knife into her chest without saying anything,” pahayag ng kaklase ng suspek.

Ayon sa asawa ng biktima, mabuting tao si Lassalle at dedikado sa pagtuturo sa kaniyang mga estudyante.

VP Sara ipapa-subpoena ng NBI at DOJ; posible raw makasuhan

“She had been dedicated to her job to the extent she would spend time on work even during the holidays,” anito sa ulat ng AFP.

Sinabi ng ibang estudyante na wala namang nangyaring problema sa pagitan ng suspek at ng pinaslang na guro.

Sa ulat naman ng French broadcaster BFTV, kinandado pa raw ng estudyante ang kanilang silid-aralan bago saksakin ang kaniyang guro sa dibdib.

Binanggit din ng source nito na sinabi ng suspek sa ibang guro sa eskwelahan na may “boses” daw na nag-utos sa kaniyang gawin ang nasabing krimen.

Habang wala pang inilalabas na background ng arestado nang estudyante, iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang kaniyang psychological state at motibo sa pagpatay kay Lassalle.

Nagpahayag na rin ang pangulo ng France na si President Emmanuel Macron ng pakikiramay sa nasabing guro.

“The nation is by your side,” pahayag ni Macron.

Inanunsyo naman ni Education Minister Pap Ndiaye na lahat ng eskwelahan sa France ay magsasagawa ng isang minutong katahimikan nitong Huwebes, Pebrero 23, bandang 3:00 ng hapon bilang pagpupugay sa nasawing guro.