Dalawang araw bago ang pagtatapos ng matagumpay na “Maria Clara at Ibarra,” highlight sa pasasalamat ng naging kapitan ng serye na si Direk Zig Dulay ang pagtutulungan ng bawat isang nagbigay kontribusyon sa pagtaguyod sa makabuluhang materyal.

“It takes a village to create a meaningful TV series — thank you to all the villagers,” anang direktor sa kaniyang Facebook post nitong Miyerkules, Peb. 22 kalakip ang behind the scenes na mga larawan ng kanilang produksyon.

National

Ex-Pres. Duterte, ikakampanya si Quiboloy: 'Marami siyang alam sa buhay!'

Sunod niyang ipinunto ang ginampanan ng pakikipagtulungan ng bawat isa “para mas lalo pang lumawak at lumakas 'yung boses mo at boses ng pelikula o serye mismo.”

“Marami kang matututunan sa kapwa mo kuwentista, at kailangan mo lang maging bukas sa iba't ibang pananaw at magtiwala sa buong team,” aniya pa.

Bilang direktor, naging suot din ni Direk Zig ang kabuuang lente ng materyal sa detalyadong proseso ng pagsasabuhay nito.

“Dahan-dahan ko natutunan na ang isang serye man o pelikula ay binubuo ng maraming elemento, hindi siya natatapos sa script lang at shooting, saklaw nito mula sa brainstorming hanggang sa post-production, hanggang sa airing,” pagpapatuloy ng direktor.

“Maraming aspeto ang nagtutulong-tulong para mabuo ang isang solidong naratibo -- lahat ng aspetong 'yun ay nagkukuwento. Hayaan mong tulungan kang makapagkuwento ng kapwa mo storytellers. Pagsaluhan ninyo 'yung karanasan sa proseso at sabay-sabay kayong matuto at lumago,” dagdag niya.

Abot-abot naman ang pasasalamat ng direktor sa buong creative team at sa GMA Drama na napagkalooban siya ng oportunidad na isalaysay sa kaniyang paraan ang makabuluhang kuwento ng mga nobela Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal.

Bumuhos naman ang pagbati mula sa mga kaibigan, pamilya at tagasubaybay para sa naging epektibong pangunguna ng direktor sa matagumpay na serye.

“Mahusay ka, Direk! Wa echos! Promise,💪🏻👏💪🏻👏” komento maging ng talent manager at showbiz insider na si Ogie Diaz kay Zig.

Sa darating na Biyernes, Peb. 24, huling eere ang “Maria Clara at Ibarra” na pawang papuri at pagkilala lang ang natanggap mula sa publiko.

Pagbati, Direk Zig!